
Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga Pilipino na maghanda na ng mga balde at iba pang lalagyan upang makaipon ng tubig-ulan bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Super El Niño.
Ayon kay Pangulong Marcos, maglulunsad ang pamahalaan ng information campaign upang turuan ang publiko kung paano saluhin, salain at linisin ang tubig-ulan para maging ligtas gamitin.
Tiniyak ng pangulo na gagabayan din ang mga pamilya sa tamang pagtrato sa naipong tubig upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng maruming tubig, lalo na sa mga bata.
Kasabay nito, iniutos ni Pangulong Marcos ang pagsasagawa ng cloud seeding o artipisyal na pagpaparami ng ulan upang makatulong na matugunan ang posibleng kakulangan sa tubig.
Inihahanda na rin ng pamahalaan ang iskedyul ng operasyon at ang pagbili ng mga materyales na gagamitin sa pagpaparami ng ulan.
Hinimok din ng pangulo ang publiko na magtipid at muling gamitin ang tubig hangga’t maaari.










