
Inaasahang tatagal pa hanggang Pebrero 2027 ang El Niño na posibleng magdulot ng matinding tagtuyot sa bansa ayon sa World Meteorological Organization (WMO).
Isa sa mga sektor na pinakamatinding maapektuhan ng matinding tagtuoy ang sektor ng agrikultura.
Dahil dito, nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na muling buhayin ang programang Green Revolution upang hikayatin ang mga Pilipino na maging plantito at plantita tulad noong pandemya.
Ayon kay Marcos, ang gulay ang isa sa mga produktong posibleng matinding maapektuhan ng kakulangan sa tubig kaya nais niyang ipagpatuloy ang pagtatanim ng gulay sa mga kabahayan.
Kasabay nito, hinimok ng pangulo ang publiko na magtipid ng tubig at gamitin ito nang higit sa isang beses.
Halimbawa, maaari pang ipandilig sa mga halaman ang tubig na ginamit sa panghugas ng mga pinggan, basta’t walong halong kemikal na makasasama sa mga halaman.
Samantala, tiniyak ng pangulo na sapat ang suplay ng karne ng baboy at baka, habang may sobrang suplay naman ng manok na nagiging dahilan ng pagbaba ng presyo nito.
Pinaghahandaan na rin ng pamahalaan ang suplay ng bigas para sa susunod na anihan upang matiyak na hindi magkukulang ang pagkain sa harap ng inaasahang matinding tagtuyot.










