Mga Residente ng Brgy. Turayong, Cauayan City, Maaari nang Makahiram ng Oxygen Tank

Cauayan City, Isabela- Maaari nang makahiram ng oxygen tank sa barangay ang sinumang nangangailangan na residente ng Turayong, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Brgy. Captain Silverio Beer Ramones ng Turayong, kanyang sinabi na mayroon ng sariling tatlong (3) oxygen tank ang kanyang barangay at ito ay bukas para sa mga kabarangay na gustong humiram.

Napagdesisyunan aniya ito ng kanilang barangay katuwang ang Sangguniang Kabataan (SK) na bumili na lamang ng kanilang sariling gamit para may maipahiram sa mga nangangailangan.


Sa ngayon, mayroon pa aniyang laman ang kanilang tatlong oxygen tank pero kapag naubos at hihiramin ng ibang tao ay irerefill na mismo nito ang hihiraming tangke.

Para naman sa mga residente ng Turayong na gustong humiram ng oxygen tank, magtungo lamang sa barangay health center para sa tamang proseso nito.

Sa kasalukuyan, isang (1) aktibong kaso ng COVID-19 na lamang ang minomonitor sa nasabing barangay.

Facebook Comments