
Kinondena ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc ang pag-hostage at pagmanipula sa proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ng Makabayan Bloc kasunod ng ura-uradang pagpapalit sa liderato ng Senado sa kaparehong araw ng botohan sa Kamara para sa pagpapa-impeach kay VP Duterte.
Ayon kina Representatives Antonio Tinio, Sarah Jane Elago at Renee Louise Co, ang aksyon ng Senado ay nagpapakita ng sobrang bulok ng sistema kung saan ang mekanismo ng pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ay ginagamit sa pansariling intres ng mga politiko at nagsasalpukang political dynasty.
Para sa Makabayan Bloc, nakaka-alarma na garapalang naka-kiling na ngayon sa Duterte faction ang liderato ng Senado.
Ikinakabahala rin ng Makabayan Bloc ang inaasahang pagbabago ng Senate Blue Ribbon Chairman na posibleng maglihis sa direksyon ng imbestigasyon laban sa mga katiwalian upang isalba ang mga sangkot na senador.










