Monday, May 18, 2026

SP Cayetano, hindi haharangin ang pagpapalit ng liderato

Hindi haharangin ni Senate President Alan Peter Cayetano kung matuloy man ang kudeta sa kanyang liderato ngayong hapon sa sesyon sa plenaryo.

Ayon kay Cayetano, karapatan ng sinumang senador kung nais man nilang palitan na ang Senate leadership.

Kapag mayroong nagmosyon ng pagbabago ng liderato ay ito ang magiging prayoridad sa plenaryo.

Hindi aniya uusad ang pagco-convene ng Senado bilang impeachment court kung hindi sila organisado.

Gayunman, kabilang sa prayoridad ngayon sa sesyon ang pag-organize ng mga Committee Chairmanship at ang pag-co-convene ng Senado bilang impeachment court.

Hanggang kaninang umaga, sa pagkakaalam ni Cayetano ay buo pa ang 13 senador na kabilang sa mayorya.

Pero naunang inamin ni Cayetano na may mga pananakot at pam-pe-pressure para tumawid ng bakod.

Tanggap din ni Cayetano kung siya ang pinaka-maikling panahon na panunungkulan bilang Senate President.

Para sa kanya, hindi naman nasusukat sa kung gaano kahaba ang kanyang panunungkulan bilang Senate President kundi ang pagiging makahulugan ng kanyang buhay.

Samantala, inaantabayanan ngayon kung ano ang mangyayari ngayong pagbubukas ng sesyon kung saan inaantabayanan kung mananatili si Cayetano sa pwesto o mag-co-convene na sila bilang impeachment court.

Facebook Comments