
Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) – Centralized Open Monitoring Platform for Appropriations and Spending Statistics (COMPASS), na isang online platform na magpapadali sa pagsubaybay ng publiko sa paggastos ng pamahalaan.
Kasabay nito, inilunsad din ang Philippine Public Financial Management Reform Roadmap 2024 hanggang 2028 upang higit pang mapalakas ang maayos at tapat na pamamahala sa pondo ng bayan.
Ayon sa Pangulo, pondo ng mamamayan ang ginagamit ng gobyerno kaya dapat malinaw at bukas kung saan ito napupunta.
Sa DBM COMPASS, makikita ng publiko kung magkano ang badyet ng bawat ahensya at kung paano ito ginagastos.
Makatutulong aniya ang sistema upang matiyak na napupunta ang pondo sa mga serbisyong kailangan ng mamamayan, kabilang ang pagpapatayo ng mga paaralan, pagpapaganda ng mga ospital, suporta sa mga magsasaka at mangingisda, mga proyektong pang-imprastraktura, at pamamahagi ng ayuda.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na tiyaking maayos ang paggamit ng pondo mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyekto.










