
Nakiisa ang mga senador sa pagdadalamhati ng simbahang Katolika at ng buong mundo sa pagpanaw ni Pope Francis o tinatawag ng mga Pilipino na Lolo Kiko ngayong Easter Monday.
Ayon kay Senator Migz Zubiri, mabigat man sa kanyang puso ang pagyao ni Pope Francis, hindi niya malilimutan ang pagkakataon na nakita niya si Pope Francis noong nakaraang taon sa Vatican at ang paalala ng Santo Papa na protektahan ang pamilya ay mananatili sa kanya at patuloy na gagabay sa lahat ng kanyang mga gagawin bilang isang Katoliko at isang public servant.
Tunay aniyang naaayon sa Diyos ang pamumuno ni Pope Francis sa simbahan na ang palaging inuuna ay ang mga vulnerable sa lipunan gaya ng mga biktima ng kahirapan, sakit, giyera at kawalang hustisya.
Ganito rin ang pahayag ni Senate President Chiz Escudero kung saan ang pagsusumikap ni Pope Francis ay nagsulong ng kapayapaan at inclusion ng lahat na siyang humubog sa papel ng sumbahan na magkaisa ang lahat ng relihiyon at mga pagkakaiba ng kultura.
Hindi aniya makakalimutan ang pagbisita noong 2015 ng Santo Papa sa Pilipinas matapos hagupitin ang bansa ng Bagyong Yolanda at ang mga salita nito ng awa at habag ay patuloy na gumagabay sa mga Pilipino sa pagtaguyod ng komunidad na nag-ugat sa pakikiramay at pag-uunawaan.
Sinabi naman ni Senator Imee Marcos na hindi maglalaho ang kadakilaan at kababaang-loob ni Pope Francis at kasabay ng muling pagkabuhay ni Hesus ngayong Easter Monday ay manatiling buhay rin sa mga tao ang ala-ala ng Santo Papa.
Samantala, pinakamaaalala naman palagi ni Senator Risa Hontiveros si Pope Francis sa naging posisyon at panawagan nito na aksyunan ang climate change, ang pag-welcome sa mga kababaihan sa leadership positions ng simbahan at ang pagpaparamdam ng Santo Papa sa pagmamahal ng Diyos sa marginalized communities lalo na ang mga taong dumanas ng karahasan at kaguluhan.
Dagdag pa dito, inalala rin ni Senator Grace Poe si Pope Francis sa pagiging matapang nito na magsalita laban sa pagiging ganid at tiwali at kaisa rin ang Santo Papa sa mga umaapela ng ceasefire sa lahat ng kaguluhan at paghimok na gamitin ang mga resources sa pagtugon sa kagutuman sa mundo.