Pagkakasa ng isa pang pagdinig tungkol sa pag-aresto kay FPRRD, depende pa kung may makukuhang testigo

Sinisikap pa sa ngayon ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos na magkaroon ng susunod pang pagdinig patungkol sa naging pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sen. Marcos, maging ang kanyang mga kasamahan na sina Senators Bato dela Rosa, Robin Padilla at Alan Peter Cayetano ay humihiling din ng isa pang public hearing dahil marami pang dapat na masilip at mapiga sa mga detalyeng lumabas na hindi pa nabibbigyang linaw.

Kabilang dito ay kung sino ang nagmamay-ari ng eroplano na pinagsakyan kay dating Pangulong Duterte sa The Hague na kung saan may mga inilabas na larawan na ito ay makailang beses ding sinakyan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Dagdag pa rito ang impormasyon na noong nakaraang taon pa pala nakapasok sa bansa ang mga tauhan, imbestigador, abogado at security experts ng ICC taliwas sa sinasabi ng mga ahensya at ng Philippine National Police (PNP) na biglaan lang ang naging pag-aresto sa dating pangulo.

Gayunman, gustuhin man ni Sen. Marcos na magkasa ng isa pang pagdinig ay hindi niya pa magawa dahil wala siyang maimbitahan pang testigo na magbibigay linaw sa mga impormasyong ito.

Facebook Comments