Saturday, August 1, 2026

Mga sumusweldo ng P600,000 kada taon, ipina-e-exempt sa income tax

Isinusulong ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito na i-exempt sa tax ang mga manggagawa at mga empleyadong kumikita ng hanggang P50,000 kada buwan o P600,000 kada taon.

Sa Senate Bill No. 2341 na inihain ni Ejercito, layon nitong gawing mas malaki ang take-home pay ng milyon-milyong mga manggagawang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa panukalang batas, hindi na papatawan ng income tax ang mga indibidwal na manggagawa na kumikita ng P600,000 mula sa kasalukuyang P250,000 na sahod kada taon sa ilalim ng Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sinabi ni Ejercito na hindi lang ito isang tax reform measure kundi ito ay para sa mga middle-income earners na marangal na nagtatrabaho, nagbabayad ng buwis at nagaambag ng malaki sa ekonomiya sa kabila ng mataas na bilihin.

Idiniin pa ng senador na panahon na para iakma ang income tax system sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya na kinakaharap ng bawat pamilyang Pilipino.

Marami sa mga middle-class earners ay lumiliit ang purchasing power dahil sa stagnant na sweldo, patuloy na pagtaas ng inflaton, tumataas na tax obligations habang nananatili pa rin sila na hindi kasama sa nabibigyan ng tulong ng gobyerno.

Facebook Comments