
Ipinauubaya na ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga susunod na hakbang matapos na arestuhin ang dating Pangulo sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
Ito’y kasunod na rin ng paghahain ng petisyon nina dating Pangulong Duterte at Senator Ronald “Bato” dela Rosa na humihiling sa Korte Suprema na ipatigil ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa imbestigasyon ng ICC sa War on Drugs ng dating Duterte Administration.
Posibleng dumulog ang mga abogado ni dating Pangulong Duterte para maghain ng angkop na legal na remedyo sa pag-aresto at sa kaso ni FPRRD sa ICC.
Iginiit ni Go na tahasang paghamak sa soberenya ng bansa ang pag-aresto ng ICC kay FPRRD sabay giit na hindi dapat nanghihimasok ang international body sa mga usapin ng bansa.
Muling binigyang-diin ni Go na hindi miyembro ng ICC ang Pilipinas at ang mga korte sa bansa ay nananatiling operational at independent.
Umapela rin si Go sa taumbayan na maging mahinahon at hayaan ang legal na proseso na gumulong na naaayon sa batas ng bansa.