
Nilinaw ng Quezon City Traffic and Transport Management Department na hindi pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ang isang bus unit na bumagsak sa roadworthiness at safety inspection ng Land Transportation Office (LTO) kahapon.
Sa pahayag na inilabas ng Traffic and Transport Management Department ng lungsod, isang pribadong bus company na partner ng LGU ang may-ari ng nasabing unit.
Dagdag pa rito, noong Biyernes pa umano huling bumyahe ang nasabing unit, na ginagamit para sa libreng sakay program ng LGU, mula Quezon City Hall patungong Litex.
Matatandaang bumagsak ang nasabing unit sa inspeksyon ng mga awtoridad kahapon dahil sa sunod-sunod na paglabag, kabilang ang:
• Sirang signal light at brake light;
• Paggamit ng gulong na kulang sa isang turnilyo; at
• Paggamit ng improvised plate kahit walang authorization letter mula sa LTO.
Nangako naman ang Traffic and Transport Management Department ng lungsod na lalo pa nilang paiigtingin at hihigpitan ang regular na on-the-spot inspection sa mga bus unit na ginagamit sa libreng sakay program.










