MINIMUM WAGE SA REGION 1, TUMAAS; PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN, PATULOY NA PASAKIT UMANO PARA SA MGA DAGUPEÑO

Sa kabila ng pagtaas ng minimum wage o arawang sahod sa Rehiyon Uno, nagiging pasakit para sa mga Dagupeño ang patuloy ring pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa pang araw-araw.

Inanunsyo ng Department of Labor and Employment o DOLE ang taas sahod sa Rehiyon Uno kung saan madaragdagan ang arawang sahod ng ₱35 hanggang ₱45 na ipapatupad sa Disyembre 14, 2026.

Magandang balita yan para sa mga minimum wage earner sa Dagupan City, Pangasinan na sakop ng ipapatupad na taas sahod.

Ayon sa security guard na si Velasquez, makakatulong umano ang taas-sahod lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na sa pang araw-araw.

Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng opinyon si Norvin na nagtatrabaho sa lokal na mall sa lungsod. Ayon kay Norvin, hindi umano ramdam ang magiging taas-sahod sapagkat kaakibat ng taas-sahod ang patuloy na pagtaas naman ng gastusin.

Sa gitna ng dagdag-sahod na inaasahang makatutulong sa mga manggagawa, nananatiling hamon para sa maraming pamilya ang pagbabalanse ng kanilang kita at pang-araw-araw na gastusin.

Umaasa ang mga manggagawa na hindi lamang sahod ang tataas, kundi magkaroon din ng mas abot-kayang presyo ng mga pangunahing bilihin upang higit na maramdaman ang benepisyo ng dagdag-kita, lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments