
Iginiit ni outgoing Senate Minority Leader Koko Pimentel na may limitasyon ang mga senator judge sa impeachment trial taliwas sa pahayag ni Senate President Chiz Escudero na walang limitasyon ang impeachment court sa mga pwedeng gawin at mga pagdedesisyon.
Ayon kay Pimentel, mayroon silang limitasyon at kaakibat ito ng panunumpa na ginawa nila bilang mga senator judges ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanilang panunumpa, kasama rito ang limitasyon na dapat silang maging impartial pagdating sa pagtalakay at pagdedesisyon sa impeachment case at bawal nilang labagin ang sinumpaang ito.
Samantala, nababahala si Pimentel na ang ginawa ng impeachment court na pag-remand o pagbabalik ng impeachment complaint sa Kamara ay nag-aanyaya lamang para makwestyong legal at masampahan ng kaso ang kanilang naging desisyon.
Sa halip na simpleng proseso lang ng paglilitis ay nanganak pa ito ng mga kumplikadong order na maaari pang makwestyon sa korte.
Sa tingin pa ni Pimentel, dahil sa nalikhang delay ng impeachment proceedings ay mas pumabor pa ito sa impeached officer na si VP Sara dahil nagkaroon ng pause o pansamantalang pagtigil sa paglilitis.