Miyembro ng Squad Dos KLG-Baggas Ilocos Cordillera na may kasong Pagpatay, Arestado

Cauayan City, Isabela- Naaresto ang isang miyembro ng Squad Dos Komiteng Larangang Guerilla (KLG)-Baggas of Ilocos-Cordillera Regional Committee at Top 5 Most Wanted Person Provincial Level sa Sitio Pocac, Barangay Apatan, Pinukpuk, Kalinga kamakailan.

Kinilala ang suspek na si Martin Batay Gamay alyas ‘Hilee’, 50-taong gulang.

Kabilang ito sa mga wanted personalities na makakaliwang grupo sa Kalinga at naaresto ng pinagsanib na pwersa ng 50th Infantry Battalion at Kalinga Provincial Police Office.

Si alyas Hilee ay dawit sa isang krimen noong January 23,2018, kung saan tinambangan umano ng kanyang grupo ang tropa ng kasundaluhan sa Sitio Matayog, Brgy. Baay, Pinukpuk, Kalinga habang nagsasagawa ng Focused Military Operations.

Nagresulta ito ng pagkamatay ni Cpl. Jether A Langcay at PFC Edward M Boggat habang nagtamo naman ng sugat si SSgt. Virgilio Jacinto at PFC Keaven W Macaiba.

Naaresto si alyas ‘Hilee’ matapos ipag-utos ng korte ang pagdakip sa kanya sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong murder o pagpatay.

Samantala, narekober naman malapit sa tirahan ng suspek ang isang caliber 30 vintage rifle na may dalawang live ammunitions na hinihinalang inisyu ng komunistang grupo.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ito ng mga awtoridad para sa tamang disposisyon habang ang mga narekober na baril at bala ay dinala sa Provincial Crime Laboratory Office para sa ballistic examination.

Facebook Comments