MMDA, pinaiimbestigahan na ang enforcer nilang nakasagasa sa dalawang pasahero sa EDSA busway

Pinaiimbestigahan na ni MMDA Chairman Romando Artes ang enforcer nilang nakasagasa sa dalawang pasahero sa EDSA busway.

Sa Facebook post ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na traffic enforcement arm ng DOTr, makikita sa video na pagewang- gewang ang traffic enforcer ng MMDA na sakay ng motorsiklo.

Dalawang pasahero ang nagtamo ng mga sugat at galos matapos umanong mahagip ng nakamotor na traffic enforcer.


Inaalam na ng MMDA ang pagkakakilanlan at employment status ng enforcer.

Ani Artes, kung job order ito, awtomatikong tanggal na sa serbisyo habang kung permanente naman ay daraan ito sa proseso.

Tiniyak ni Artes na hindi nila kukunsintihin at mahaharap sa kaparusahan ang mga tauhan nilang masasangkot sa maling gawain.

Facebook Comments