
Itinanggi ng Moro National Liberation Front na kinakanlong nila si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Kasunod ito ng mga ulat na itinatago umano ang senador ng isang makapangyarihang armadong grupo sa Mindanao kung saan isa sa pinaghinalaan ang naturang grupo.
Sa isang pahayag, sinabi ng MNLF na walang pormal na relasyon sa pagitan nila at ni Dela Rosa na kasalukuyang tinutugis dahil sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Wala rin anilang matibay na basehan na miyembro ng MNLF si Bato o kaya naman ay kaalyado at pinoprotektahan ng grupo bagama’t kilalang magkaibigan ang kanilang founder na si Nur Misuari at si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kamakailan nang magtapos ang palugit na ibinigay ng Philippine National Police (PNP) sa dati nilang hepe para sumuko lalo’t itinuturing na rin itong pugante ng Department of Justice (DOJ).
Nakabinbin naman sa Korte Suprema ang petisyon ng kampo ni Dela Rosa para hilingin na harangin ang pagpapatupad ng P50 million patong sa ulo para sa pagkakaaresto nito.
Jairus Peñaflorida, RMN Manila










