Monday, November 2, 2026

Animal welfare advocates, hinimok ang gobyerno at mga organisasyon na imbestigahan ang operasyon ng mga pet cremation services sa buong bansa

Hinimok ng mga animal welfare advocates ang mga ahensya ng gobyerno at mga organisasyon na imbestigahan ang operasyon ng pet cremation services sa buong bansa.

Ito’y matapos na matagpuan ang mga nabubulok na labi ng higit 20 mga aso at pusa na nakasilid sa mga plastic bags at itinapon sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Sa statement na inilabas ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), ang ulat na pagtapon sa mga patay na alagang hayop sa halip na i-cremate ay naging seryosong usapin sa integridad ng mga pet cremation services sa bansa.

Bunsod nito ay nanawagan ang PAWS sa angkop na ahensya ng pamahalaan na imbestigahan ang establisyimentong sangkot sa naturang insidente at ang iba pang pet crematorium na nag-o-operate sa bansa.

Partikular na umapela ang PAWS sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin ang posibleng paglabag ng pet crematory sa business permit, sanitation, environmental regulations, consumer protection, criminal laws at tiyakin na ang mga apektadong pet parents ay mabibigyan ng hustisya.

Conde Batac, RMN Manila

Facebook Comments