
Nagbabala ang Meralco sa mga consumer na asahan ang posibleng pagtaas sa singil ng kuryente sa mga susunod na buwan dulot walang prenong pagbaba ng halaga ng piso laban sa dolyar sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Jose Ronald Valles, Senior Vice President at Regulatory Management Head ng Meralco, ang kasalukuyang galaw ng palitan ng salapi ay direktang nagdudulot ng pagtaas sa tinatawag na generation cost o ang halaga ng kuryenteng binibili mula sa mga independent power producer.
Paliwanag pa ni Valles, malaking banta ang paghina ng piso sa presyo ng kuryente dahil mahigit kalahati o 50% ng kanilang mga kinukuhang power supplier lalo na ang mga planta na gumagamit ng natural gas ay nakadepende at nakakontrata gamit ang foreign currency o dolyar.
Sa kabila ng sitwasyong ito, tiniyak ng pamunuan ng Meralco na patuloy silang gumagawa at naghahanap ng mga alternatibong paraan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng generation cost sa pangkalahatang buwanang bill ng mga consumer.










