
Ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) na generally peaceful ang naging pagdaraos ng unang araw ng Undas, ang Araw ng mga Santo, noong November 1.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., naging mapayapa ang pagdaraos ng unang araw ng Undas kasabay ng pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo, transport terminals, bahay-sambahan, at mga mataong lugar sa bansa.
Ayon pa kay Nartatez, nagbigay ito ng direktiba sa lahat ng police commanders na panatilihin ang pagpapalakas ng presensya ng pulisya, paigtingin ang pagpapatrolya, at tiyakin ang agarang pagtugon sa mga nangangailangan.
Nagpapaalala naman si Nartatez sa mga pulis na itinalaga sa mga lugar na ito na panatilihin ang maximum tolerance sa lahat ng pagkakataon.
Kaugnay nito, hinimok din ng pambansang pulisya ang publiko na patuloy na sumunod sa mga regulasyon ng sementeryo at makipagtulungan sa mga security personnel ngayong huling araw ng Undas.
Marjo Domingo, RMN Manila










