
Ibinasura ng Sandiganbayan Second Division ang mosyon ng Office of the Ombudsman na alisin na bilang akusado sa kasong graft si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Batay sa 12 pahinang resolusyon ng Sandiganbayan, ibinasura ang Motion for Leave to File Amended Information dahil sa kakulangan ng merito.
Paliwanag ng Sandiganbayan, hindi pwedeng alisin ng prosekusyon si Bonoan bilang kapwa akusado sa kasong kinahaharap ni Senator Jinggoy Estrada dahil may karapatan ang isang akusado na umasa sa nakasaad sa orihinal na impormasyon na kanyang sinagot oras na ma-arraign na ito.
Dahil dito, hindi na raw maaaring gumawa ng malaking pagbabago ang prosecution sa kaso kung makaaapekto ito sa karapatan ng akusado.
Ipinaliwanag ng anti-graft court na ang planong alisin si Bonoan bilang co-accused ay isang malaking pagbabago sa kaso at maaaring makasama sa depensa ni Estrada.
Mahalaga din anila ang pananatili ni Bonoan bilang kapwa akusado dahil maaari itong makaapekto sa paglalatag ng ebidensya, pagtukoy sa naging papel ng bawat akusado at mas masusing pagtalakay sa mga isyung may kaugnayan sa kaso.
Sa kabila nito, nilinaw ng Sandiganbayan na hindi nila isinasantabi ang posibilidad na ma-discharge si Bonoan bilang state witness sa panahon ng paglilitis basta’t maabot ang requirements na kinakailangan sa batas.










