
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na maibibigay ang nararapat na tulong medikal at suporta kay Police Staff Sergeant Noli M. Miraña ng San Jose, Camarines Sur, kasunod ng pag-atake sa kanya ng isang lalaking nag-amok noong August 22 sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat, rumesponde ang nasabing unit na pinamumunuan ni Miraña matapos makatanggap ng ulat na may isang armadong lalaki na pinaniniwalaang nakararanas ng krisis sa kalusugan ng isip.
Tinangkang kausapin ng mga pulis ang nasabing lalaki na may hawak na bolo ngunit naging marahas ang sitwasyon nang biglang sumugod ang nasabing indibidwal sa mga pulis, dahilan para matumba si Miraña at magtamo ng malubhang pinsala sa kanyang kaliwang kamay at mukha.
Dahil dito, pinaputukan ng pulisya ang indibidwal at tinamaan ito sa magkabilang hita, dahilan para ito ay mapahinto. Dinala rin siya sa ospital kasama si Miraña.
Pinuri naman ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. si Miraña at ang mga kasamahan nito para sa katapangan, pagtitimpi at propesyonalismo sa pagresponde sa nasabing mapanganib na sitwasyon.
Dagdag pa niya, nagpapakita lamang ito ng panganib na hinaharap ng mga personnel sa mga isinasagawang operasyon. Pinaalalahanan din niya ang kanyang mga tauhan na unahin ang pagpapababa ng tensyon ngunit agad na kumilos kung may banta na sa buhay.










