
Walang nakikitang mali ang Malacañang sa pahayag ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na dapat magbitiw ang mga halal na opisyal na pabor sa posisyon ng China sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos batikusin ni Davao First District Representative Paolo Duterte si Teodoro dahil umano sa pagdemonisa sa China at pagsasagawa ng “loyalty check.”
Ayon kay Castro, pagmamahal sa Pilipinas ang ipinakita ni Teodoro sa kanyang pahayag.
Dagdag pa niya, mas mabuting lumantad ang mga may kaparehong pananaw ni Duterte upang malaman ng publiko kung sino ang tunay na naninindigan para sa interes ng bansa.
Binigyang-diin din ni Castro na ang katapatan ng bawat Pilipino ay dapat nakatuon lamang sa Pilipinas.
Kasabay nito, tiniyak ng Malacañang na mananatiling nakabatay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award ang paninindigan ng administrasyong Marcos sa pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa WPS.










