Patuloy na pinaghahanap ang tatlong katao na nawawala matapos tumaob ang isang motorboat sa Camaley Major, Binmaley, Pangasinan, alas-11:40 ng gabi noong Sabado, Setyembre 12, 2026.
Ayon kay Charles Soriano, isa sa mga sakay ng motorboat, 13 katao ang lulan ng maliit na motorboat mula Camaley Major patungong Barangay Balogo Pandel nang tumaob ang kanilang sinasakyan.
Aniya, posibleng dahil sa dami ng mga sakay kaya hindi kinaya ng motorboat ang bigat at tuluyang tumaob.
Unang nawala umano ang lalaking kanilang sinundo na galing Maynila.
Posible umanong nahirapan itong makaligtas dahil sa bigat ng dala nitong bag.
Kalaunan, narekober ng mga awtoridad ang bag ng naturang lalaki, ngunit hindi pa rin natatagpuan ang tatlong nawawala.
Dagdag pa ni Soriano, wala ring nakasuot na life vest ang mga sakay, na isa umano sa mga naging problema sa insidente.
Samantala, umaasa naman si Marissa Soriano, isa sa mga kaanak ng mga nawawala, na mahahanap pa rin ang kanilang mga kamag-anak.
Nanawagan din siya sa anim na barangay na malapit sa pinangyarihan na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad sakaling makita ang alinman sa mga nawawala.
Samantala, nagpaalala si Armenia T. Delos Angeles, OIC ng Binmaley MDRRMO, na magkakaroon ng ordinansa para sa tamang pag-operate ng mga motorboat sa lugar.
Kabilang dito ang pagsunod sa mga safety measures upang maiwasan ang mga katulad na insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







