PANSAMANTALANG SOLUSYON KONTRA APAW NG MARUSAY RIVER, ISINAGAWA SA CALASIAO

Isinaayos ng Barangay San Vicente sa Calasiao, Pangasinan ang bahagi ng kalsadang pinapasok ng umaapaw na tubig mula sa Marusay River.

Tuwing tumataas ang lebel ng ilog kasabay ng tuloy-tuloy na pag-ulan, umaabot ang tubig sa mga mabababang lugar sa bayan, kabilang ang bahagi ng kalsada sa Barangay San Vicente.

Ayon sa barangay, pumapasok ang tubig sa pagitan ng mga concrete barrier kaya nilagyan ito ng mga bato at semento bilang pansamantalang pansara.

Layunin nitong mabawasan ang pag-agos ng tubig patungo sa kalsada at mga kabahayan, gayundin upang hindi maantala ang mga motoristang dumaraan sa lugar.

Isa sa mga residenteng nakatira malapit sa ilog si Aleng Monica.

Aniya, nakatulong ang pagpapataas at paglalagay ng harang sa kalsada dahil nabawasan ang pag-agos ng tubig mula sa ilog patungo sa kanilang mga kabahayan.

Hiling naman ng mga residente na maipagpatuloy ang harang sa buong kahabaan ng kalsada upang tuluyan nang mapigilan ang pag-apaw ng tubig.

Batay sa datos ng Pangasinan PDRRMO noong Setyembre 12, nananatili sa higit 10 talampakan above normal level o ANL ang lebel ng tubig sa Marusay River.

Samantala, sa Barangay Lasip, lampas-tao na ang baha at tuluyang nalubog ang mga kabahayan sa mabababang bahagi ng lugar.

Nananatili namang passable sa mga motorista ang kalsada sa kabila ng pagbaha.

Habang tumatagal ang paghupa ng baha sa bayan, umaasa ang mga residente na matutugunan ito sa pamamagitan ng pangmatagalang solusyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments