
Umaasa si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mas mababa sa ₱50 ang magiging bawas presyo sa kada kilo ng imported rice sa unang bahagi ng Marso.
Nauna rito, inanunsyo ni Laurel na ibababa ngayong Miyerkules, February 5, ang maximum suggested retail price ng imported na bigas sa ₱55 kada kilo para sa 5% na pagkadurog o broken mula sa dating presyo na ₱58 per kilo.
Ito’y upang mapagaan ang pasanin ng mamimili sa mataas na presyo ng pangunahing pagkain sa bansa.
Bahagi ito ng pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) na mapatatag ang presyo ng bigas at mapagaan ang pressure sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Ang desisyon ay resulta ng malawak na konsultasyon sa mga stakeholder ng industriya ng bigas, kabilang na ang importers at retailers, upang masiguro na makinabang ang mga mamimili ng hindi naapektuhan ang supply ng bigas.
Bilang karagdagan sa pagbawas sa presyo ng imported na bigas, magpapatuloy ang DA sa mahigpit na pag-monitor sa supply ng bigas sa mga pamilihan pati na rin ang kondisyon ng mga palengke.
Tiniyak ng DA na makasisiguro ang publiko ng sapat na supply ng bigas at matatag na presyo habang sinusuportahan ang pangmatagalang seguridad sa pagkain at ang paglago ng lokal na industriya ng bigas.