
Umarangkada na ang pagdinig ukol sa fake news at disinformation ng House Tri-Committee na binubuo ng Committees on Public Order and Safety, Public Information, at Information and Communications Technology.
Subalit sa 40 social media personalities na inimbitahan bilang resource person ay tatlo lamang ang dumalo.
Ito ay ang mga vlogger na sina Maria Lourdes “Malou” Tiquia, Atty. Ricky Tomotorgo, at Mark Loui Gamboa.
Nagpadala naman sa Tri-Committee ng excuse letter si Attorney Trixie Cruz Angeles na dating Press Secretary ng Duterte Administration kung saan kanyang kinwestyon ang legalidad ng pagdinig at iginiit na labag ito sa kalayaan sa pamamahala na ginagarantiyahan ng konstitusyon.
Bilang tugon ay isinulong ni Abang Lingkod partylist Representative Joseph Stephen Paduano na pag-aralan ng legal department ng Kamara ang posibleng paghahain ng disbarment case laban kay Angeles.
Sa pagsisimula ng pagdinig ay binigyang diin naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na hindi dapat gamitin ang social media sa personal na mga pag-atake, panggigipit, paninira ng reputasyon, pagpapakalat ng black propaganda, kasinungalingan, at kapahamakan sa kapwa.
Dinagdag naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na may positibo mang dulot ang social media ay nakalulungkot na nagagamit ito sa pagpapakalat ng hate speech, cyberbullying, at misinformation.
Bunsod nito ay iginiit naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na makabubuting magpatupad ng social media regulation.