Amyenda sa Doble-Plaka Law, niratipikahan na ng Senado

Niratipikahan na sa Senado ang Bicameral Conference Committee report tungkol sa amyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act o ang Doble Plaka Law.

Ayon kay Senator JV Ejercito, may-akda at sponsor ng panukala, makatwirang ibinababa ang multa para gawing patas sa riders habang pinananatili ang pagpapahusay ng kaligtasan ng publiko.

Mula sa kasalukuyang ₱50,000 ay ibinaba sa ₱5,000 ang multa sa hindi pagrerehistro ng motorsiklo sa loob ng limang araw mula nang bilhin at sa mga hindi agad magre-report kapag nawala o nanakaw ang plaka.


Nauna na ring napagkasunduan sa Bicam na hindi na palagyan ng dalawang plaka ang mga motorsiklo at inalis na ang probisyon na nag-oobliga na maglagay ng RFID stickers sa harap ng mga motor dahil nakadagdag lamang ito sa delay.

Sinabi ni Ejercito na maganda ang intensyon ng Doble Plaka Law subalit nakundena ito dahil nasi-single out o nadi-discriminate ang mga nagmomotorsiklo na mistulang itinuturing na may intensyon na gumawa ng krimen.

Facebook Comments