Nakatakdang magsagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan ng Diskwento Caravan sa bayan ng Bani sa Mayo 21, 2026, upang mag-alok ng mas murang school supplies at pangunahing bilihin para sa mga residente.
Idaraos ang aktibidad mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon sa Municipal Gymnasium sa Brgy. Poblacion.
Bahagi ng caravan ang one-stop shopping event kung saan magtitipon ang iba’t ibang exhibitors na nag-aalok ng mga produkto sa discounted prices at special promos, lalo na para sa mga paghahanda sa nalalapit na pasukan.
Ayon sa DTI, layunin ng programa na matulungan ang mga mamimili na makatipid sa gastusin habang tinitiyak na de-kalidad ang mga produktong mabibili ng publiko.
Maliban sa pagtulong sa mga pamilya, inaasahan ding makapagbibigay ng dagdag na oportunidad sa mga lokal na negosyante at exhibitors ang naturang aktibidad.
Hinihikayat naman ang mga residente ng Bani at mga karatig-bayan na samantalahin ang Diskwento Caravan upang makabili ng kinakailangang gamit sa eskwela at iba pang pangunahing pangangailangan sa mas mababang halaga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








