
Tinitiyak ng Department of Health (DOH) na nananatiling sapat ang suplay ng doxycycline sa mga public access sites, kabilang ang mga health center, YAKAP clinic at pampublikong ospital.
Ito ay bilang bahagi ng maagap na pagtugon ng ahensiya dahil sa mataas na kaso ng leptospirosis kasunod ng mga pagbaha na nararanasan sa bansa.
Ang leptospirosis ay isang seryosong impeksiyong dulot ng bakterya na Leptospira na karaniwang nakukuha mula sa ihi ng mga apektadong hayop tulad ng daga.
Una rito, ipinag-utos ni Health Secretary Edwin Mercado ang maagap na pamamahagi ng doxycycline sa mga komunidad na higit na naapektuhan, para matiyak ang agarang access ng mga nangangailangan.
Bukod dito, may 3.1 milyong stockpile o reserbang doxycycline ang DoH at mga Regional Office bilang agarang pandagdag sa suplay ng public access sites kung kinakailangan.
Sa huling tala nitong Setyembre 4, 2026, 1.2 milyon na rito ang matagumpay na naipamahagi bilang karagdagang gamot sa iba’t ibang apektadong komunidad.










