Nagpanggap na mga tauhan ng Bureau of Immigration, arestado

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) laban sa mga fixer matapos maaresto ang dalawang indibidwal na nagpapanggap na empleyado ng ahensya sa Quezon City.

Ayon sa ulat, nahuli ang mga suspek sa isang entrapment operation sa loob ng Camp Karingal matapos nilang tangkaing kikilan ng pera ang isang 43-anyos na Korean national kapalit ng pag-renew ng working visa at Alien Certificate of Registration.

Kinumpirma mismo ni Commissioner Joel Anthony Viado na hindi mga tauhan ng BI ang mga naaresto, kung saan nagpasalamat siya sa mabilis na aksyon ng Quezon City Police District (QCPD).

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ni Viado ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga fixer o hindi otorisadong ahente.

Idinagdag ng opisyal na lahat ng lehitimong serbisyo ng Immigration ay maaaring gawin sa kanilang e-services portal o sa mahigit 60 opisina ng BI sa buong bansa.

Hinihikayat din ng ahensya ang mga posibleng biktima na magsampa ng ulat sa pulisya.

Facebook Comments