Friday, July 17, 2026

Nalalapit na SONA, magiging simple uli

Katulad sa nakaraang taon ay magiging simple uli pero marangal ang nalalapit na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 27.

Ayon kay House Secretary General Cheloy Garafil, walang red carpet at sinabihan din nila ang mga kongresista, lalo na ang mga kababaihan na simpleng Filipiniana dress lang ang isuot.

Dagdag pa ni Garafil, mas mababa din ang pondo para sa SONA ngayong taon.

Bilang bahagi ng preparasyon, kahapon, Hulyo 16, ay isinagawa ang walk-through ng ilang mga opisyal at kinatawan ng Malacañang, Senado, at Kamara sa Session Hall ng Batasang Pambansa kung saan idaraos ang SONA.

Sabi naman ni House Engineering and Physical Facilities Department Deputy Secretary General Engr. Renato Dela Torre na walang magbabago sa overall setup sa loob ng plenary hall dahil ang seating arrangements, guest capacity, at holding areas ay katulad lang din sa nakaraang mga SONA.

Ayon kay Dela Torre, isinasagawa naman ang pag-upgrade sa ilang pangunahing pasilidad sa Batasang Pambansa tulad sa hagdan at hallways sa ikalawa at ikatlong palabag ng Main Building gayundin sa mga al fresco areas sa North at South Lounge.

Isinabay na rin aniya ang rehabilitasyon sa bubong ng anim na palapag sa North at South Wing buildings at ang landscaped sa paligid ng flagpole.

Facebook Comments