Umabot sa pitumpung (70) panabong na manok ang nasawi sa isang insidente ng pinaghihinalaang paglalason sa isang game farm sa Barangay Lumbang, Calasiao Pangasinan.
Lumapit sa otoridad ang may-ari, upang maghain ng reklamo laban sa kanyang dalawang dating empleyado.
Ayon sa ulat, humingi umano ng pahintulot na magbitiw sa trabaho ang dalawang tauhan nito noong Hulyo 5, bandang alas-tres ng hapon, na pinayagan naman ng may-ari.
Ngunit kinabukasan, Hulyo 6, bandang alas-dos ng madaling araw, gulat na gulat ang may-ari nang matuklasan niyang lahat ng kanyang mga manok ay wala nang buhay.
Dinala ang tatlong patay na manok sa Tanggapan ng Beterinaryo ng Bayan para suriin. Ayon kay Dr. Jorge R. Bandong, ang mga hayop ay namatay dahil sa matinding pagkalason o acute toxicosis na pinaniniwalaang dulot ng zinc phosphide, isang uri ng lason sa daga. Napatunayan ding nagdulot ito ng matinding pagdurugo at pagkasira ng kanilang mga laman-loob. |
Lumabas din sa imbestigasyon na nakita umano ng biktima ang isa sa mga suspek na bumili ng nasabing lason noong Hulyo 4, bago pa man sila magpaalam sa trabaho.
Dahil dito, inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong Mapanirang Pag-uugali o Malicious Mischief laban sa dalawang suspek. Patuloy pa ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga pulis kaugnay ng insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










