PAGSUNOD NG MGA MICROESTABLISHMENTS SABATAS SA PAGGAWA AT WORKPLACE SAFETY SA ILOCOS SUR, PINALALAKAS

‎Pinaigting ng Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Office I ang kampanya nito para sa mas ligtas at mas maayos na mga lugar ng trabaho matapos magsagawa ng Technical Advisory Visit (TAV) cum First Aider Orientation para sa 104 na may-ari at kinatawan ng 109 na microestablishments sa Ilocos Sur.

‎Layunin ng programa na palawakin ang kaalaman ng mga maliliit na negosyo hinggil sa pagsunod sa mga batas sa paggawa, pagpapatupad ng Occupational Safety and Health (OSH) Standards, at paghahanda sa mga emerhensiya sa lugar ng trabaho.

‎Sa talakayan, ipinaliwanag ni Labor and Employment Officer III at Labor Standards Focal Person Jomer C. Sicat ang mahahalagang probisyon ng General Labor Standards, OSH Standards, hazard identification, at mga paraan upang mapanatiling ligtas at malusog ang kapaligiran sa trabaho.

‎Nagbigay rin siya ng oryentasyon sa pangunahing kaalaman sa first aid upang mapalakas ang kahandaan ng mga establisimyento sa oras ng sakuna o aksidente.

‎Bahagi rin ng programa ang audio-visual presentation tungkol sa Productivity and Family Welfare, na naghikayat sa mga employer na isulong ang balanseng kapaligiran sa trabaho na nagbibigay-halaga sa kapakanan ng mga manggagawa at kanilang pamilya.

‎Ayon sa DOLE, ang Technical Advisory Visit ay nagsisilbing gabay sa mga microestablishments upang mas madaling makasunod sa labor at OSH standards, maiwasan ang mga paglabag sa batas sa paggawa, at higit na maprotektahan ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga empleyado.

‎Patuloy na magsasagawa ang DOLE ng mga technical advisory services para sa mga microestablishments bilang bahagi ng layunin nitong mapataas ang pagsunod sa labor laws, mapaigting ang kaligtasan sa mga lugar ng trabaho, at maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments