Pormal na inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng San Nicolas, sa pakikipagtulungan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Information and Communications Technology (DICT), ang programang Paleng-QR PH Plus na naglalayong isulong ang digital at cashless na transaksyon sa mga pamilihan, mga drayber ng traysikel, at mga lokal na negosyo.
Sa mensaheng ipinarating sa pamamagitan ng audio-visual presentation, binigyang-diin ni BSP Governor Dr. Eli M. Remolona Jr. ang mga benepisyo ng digitalization.
Ayon sa kanya, mas pinadadali ng mga digital na plataporma ang pagbabayad at pinabibilis ang mga transaksyon, na nagdudulot ng mas episyenteng serbisyo sa mga komunidad.
Samantala, ipinahayag ng alkalde ang buong suporta at ang maitutulong ng teknolohiya sa pagpapahusay ng operasyon ng mga negosyo, pagpapalawak ng oportunidad sa kita, at pagpapadali ng pang-araw-araw na transaksyon ng mga negosyante.
Dinaluhan ang paglulunsad ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang pambansang ahensya at lokal na tanggapan. Lumahok din sa programa ang may 100 negosyo at 75 traysikel operator bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa inisyatiba.
Inaasahang makatutulong ang Paleng-QR PH Plus sa pagpapalawak ng paggamit ng cashless transactions, pagpapalakas ng digital economy sa San Nicolas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










