
Iginagalang ni House Committee on Public Accounts Chairperson at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang sinabi ni Senator Imee Marcos ukol sa pagka-delay ng transmittal ng articles of impeachment sa Senado.
Diin ni Ridon, patuloy na sinisikap ng Kamara na maipadala sa Senado sa lalong madaling panahon ang articles of impeachment pero sadyang mas maraming dokumento at ebidensya ang kailangang i-produce ngayon.
Giit ni Ridon, iba ang sitwasyon ngayon kumpara noong nakaraang taon na agad naipadala sa Senado ang articles of impeachment sa kaparehong araw na ito ay inaprubahan ng 215 mga kongresista sa plenaryo ng Kamara.
Paliwanag ni Ridon ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte ay dumaan ngayon sa House Committee on Justice na nagsagawa ng impeachment hearings kung saan lumabas ang mas maraming mga dokumento at ebidensya.
Katwiran pa ni Ridon, walang nakasaad sa batas, gayundin sa konstitusyon at sa mga rules ng impeacment ng Kongreso at Senado na kailangang maisagawa ang transmittal sa Senado ng articles of impeachment sa kaparehong araw na isinagawa ang botohan hinggil dito.










