
Pumalag ang National Commission on Indigenous People (NCIP) sa paghuli sa Indigenous People o Aeta sa Tarlac noong April 18 matapos harangin ng mga katutubo ang trail ng mga hiker sa Mt. Pinatubo Crater.
Noong Biyernes Santos, hinarangan ng mga miyembro ng Aeta community ang hikers kung kaya’t napilitang bumalik ang mahigit 80 na sasakyan na magdadala sana sa kanila sa trail site.
Ayon sa NCIP, ilang Aeta umano ang hinuli at ikinulong ng mga awtoridad sa Capas, Tarlac.
Ayon sa NCIP, hindi ito makatarungan dahil wala namang malaking paglabag ang mga katutubo na noon ay nagpapahayag lang ng saloobin.
Ipinapanawagan ng Aeta community na mabigyan sila ng bahagi sa kita sa ecotourism dahil sakop ng ancestral domain ang lugar na inaakyat ng hikers.
Bagama’t pinalaya rin ang mga katutubo sa nabanggit na araw, humihingi ng paliwanag ang NCIP mula sa mga awtoridad sa naging trato sa mga Aeta.