Thursday, September 3, 2026

Convoy ng MILF, naharang ng mga awtoridad sa checkpoint sa Lanao del Norte

Hinarang at isinailalim sa beripikasyon ng mga tauhan ng Lanao del Norte Police Provincial Office at Philippine Army ang convoy ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) 131st Brigade sa checkpoint operation sa Barangay Libertad, Kolambugan, Lanao del Norte, kaninang alas-7:30 ng umaga.

Ayon kay Philippine National Police – Public Information Officer (PNP – PIO) Chief PCol. Allen Rae Co, mula sa Lanao del Sur ang nasabing grupo at sila ay attend umano sa isang pagtitipon sa Lanao del Norte.

Aniya, ang convoy ng MILF ay binubuo ng 23 sasakyan at limang motorsiklo, lulan ang nasa higit 100 indibidwal at karamihan umano sa kanila ay armado.

Dagdag pa nito, hindi nakapagpakita ang grupo ng mga kaukulang dokumento o patunay ng prior coordination sa mga kinauukulang awtoridad kaugnay ng kanilang pagbiyahe sa lugar.

Nilinaw naman ni Co, na pinagbigyan naman ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang limang sasakyan ng nasabing grupo na may lulan na mga sibilyan na walang armas at pinabalik na lang ang ilan sa mga convoy.

Nagkaroon lang umano ng konting hindi pagkakaintindihan ngunit wala naman umanong nangyaring anumang intensyon ang nasabing grupo na gumawa ng karahasan.

Binigyang-diin naman ng PNP na layunin lamang hakbang na matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang peace and order, habang iginagalang ang umiiral na peace mechanisms sa lugar.

Facebook Comments