
Tiniyak ng Malacañang ang buong tiwala nito sa Philippine National Police (PNP) kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na wala siyang tiwala sa pulisya.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ginagampanan ng PNP ang tungkulin nito alinsunod sa batas, walang kinikilingan at walang halong pulitika.
Giit pa ni Castro, nananatiling propesyonal ang mga pulis sa pangangalaga sa karapatan ng lahat ng taong nasa kanilang proteksiyon.
Hinimok naman ng Palasyo ang sinumang may reklamo o agam-agam sa aksiyon ng pulisya na idulog ito sa tamang legal na proseso sa halip na maglabas ng mga paratang na walang sapat na batayan.
Binigyang-diin din ng Palasyo na hindi nito papayagang gamitin ang kapulisan bilang sandata sa anumang uri ng karahasan.










