
Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa nang simulan ng Pilipinas at Poland ang negosasyon para sa isang extradition treaty.
Inihayag ito ng Pangulo sa pagbisita ni Polish President Karol Nawrocki sa Malacañang.
Layunin ng extradition treaty na maglatag ng mekanismo para sa pagpapabalik sa isang bansa ng mga taong hinahanap o kinasuhan ng krimen sa kabilang bansa, alinsunod sa kanilang mga batas.
Kasabay nito, kabilang sa mga inilatag ng Department of Justice (DOJ) at Polish Ministry of Foreign Affairs ang Agreement on Mutual Legal Assistance in Criminal Matters, na magpapalakas sa pagtutulungan sa mga kasong kriminal, kabilang ang legal assistance at palitan ng impormasyon at ebidensya.
Samantala, sinabi ni Marcos na palalawakin pa ng Pilipinas at Poland ang kooperasyon sa seguridad at depensa, kalakalan at pamumuhunan, science and technology, food security, turismo at paggawa.
Personal namang inimbitahan ni Nawrocki si Pangulong Marcos na bumisita sa Warsaw, Poland.










