
Naniniwala ang Malacañang na dapat ding maimbestigahan ang papel ng negosyanteng si Jaime Cruz sa mga negosyong may kaugnayan kina Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, hindi dapat palampasin ang sinumang posibleng sangkot sa korapsyon o sabwatan sa paggamit ng pondo ng bayan.
Kabilang sa dapat linawin ang ugnayan ni Cruz sa GenCorp Industries, Inc., kung saan nagdeklara ng business interest si VP Sara at nakakuha ng 15 kontrata sa Davao City mula 2022.
Dapat din aniyang mabusisi kung bakit sinabi ni Mayor Sebastian Duterte na hindi niya alam na pag-aari ni Cruz ang GenCorp, kahit naging kasyosyo niya ito sa ibang mga negosyo.
Giit ni Castro, kailangang malinaw ang naging papel ni Cruz, lalo na’t nadawit ang pangalan nito sa impeachment trial ng Bise Presidente.










