Monday, October 5, 2026

Pasaherong pa-Estados Unidos, naharang sa NAIA matapos isilbi ang warrant of arrest mula sa Sandiganbayan

Arestado ang isang 76-anyos na babaeng pasahero na patungong California, Estados Unidos, matapos matuklasan ng mga otoridad ang mga alias warrant of arrest laban sa kanya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Oktubre 3.

Ayon sa Aviation Security Group o AVSEGROUP, lumabas sa rekord ng pasahero ang isang Alert List Order sa isinagawang inspeksyon ng Bureau of Immigration, dahilan upang makipag-ugnayan ang mga ito sa NAIA Police Station 1.

Ang mga alias warrant na inilabas ng Sandiganbayan Second Division ay kaugnay sa dalawang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, dalawang bilang ng Malversation of Public Funds, at dalawang bilang ng Falsification by a Public Officer.

Umabot naman sa P282,000 ang kabuuang inirekomendang piyansa.

Ayon sa pasahero, legal na niyang pinalitan ang kanyang pangalan at iginiit na ang iba pang pangalang nakasaad sa mga alias warrant ay para umano sa kanyang mga kapatid. Sinabi rin niyang wala siyang ideya sa naturang mga warrant.

Dadalhin ang akusado sa Sandiganbayan Second Division sa Quezon City, kasama ang kanyang anak, para sa kaukulang proseso.

Samantala, sinabi ni AVSEGROUP Director PBGEN Dionisio B. Bartolome Jr. na titiyakin ng pulisya na ang lahat ng mga taong may umiiral na warrant of arrest na matutukoy sa mga paliparan ay maayos na maihaharap sa kinauukulang hukuman, alinsunod sa umiiral na batas.

Facebook Comments