Sunday, July 5, 2026

Obispo, sinagot ang katanungan kung nasaan ang Simbahang Katolika sa Pilipinas sa gitna ng mga isyu sa bansa

Hindi tumitigil ang Simbahang Katolika sa pagpapahayag ng moral na paninindigan para sa mga naglilingkod sa sambayanan

Ito ang binigyang-diin ng isang opisyal ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa gitna ng mga katanungan kung nasaan ngayon ang Simbahan at sa panawagan na mas maging aktibo sa mga usaping panlipunan.

Ayon kay Caritas Philippines President at San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, dapat harapin nang may kababaang loob ang tanong at hindi dapat ituring na paratang.

Isa rin aniya itong panawagan ng mga taong naghahanap ng moral leadership, katotohanan, katarungan, malasakit, at pananagutan sa gitna ng mga problema ng lipunan.

Paglilinaw ng obispo, hindi tumigil ang Simbahang Katolika at patuloy na isinasabuhay maging sa paglilingkod sa mahihirap, pagtatanggol sa karapatang pantao, paghubog sa konsensya ng mamamayan, pangangalaga sa mga mahihina, at pagsusulong ng kapayapaan.

Dahil dito, hinimok din niya ang mga mananampalataya na tumugon sa mga hamon ng lipunan nang may kababaang-loob, bukas na pagtanggap sa patuloy na pagbabagong-loob, at mas matapat na pagsasabuhay ng Ebanghelyo sa araw-araw.

Kinuwestiyon ng ilang mga kritiko ang posisyon ng Simbahang Katolika kasunod ng isinagawang rally ng grupong Iglesia ni Cristo bilang pagsuporta kay Sen. Rodante Marcoleta na nahaharap sa reklamong plunder sa Sandiganbayan.

Facebook Comments