Wednesday, July 1, 2026

Alias Nash na suspek sa school shooting sa Tacloban City, pwersahang pinasok ang bahay at kinuha ang baril sa tiyahing pulis

Gumamit umano ng pwersa si alias Nash para pasukin ang bahay ng kanyang tiyahing pulis at sirain ang kahon na naglalaman ng baril na ginamit nito sa school shooting incident.

Si alias Nash ay isa sa menor de edad na shooter sa paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlo sa kanilang mga ka-eskwela.

Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Women si PSSG. Arla Ray Paciencia at inihayag niya na pwersahang pinasok ng kanyang pamangkin ang kanyang bahay na dumaan sa bintana at pwersahang binuksan ang plastic box na naglalaman ng kanyang Glock 17 na ginamit ni alias Nash sa krimen.

Nang matanong naman ni Committee on Women Chairperson Risa Hontiveros kung standard ba na sa plastic na box lang ilagay ang isang service firearm, inamin ni Paciencia na dapat nakalagay ito sa safety vault subalit “in good faith” ay alam niyang safe ang lalagyan ng kanyang baril.

Kinuwestyon naman ni Senator Raffy Tulfo si Paciencia kung papaanong nalaman ng kanyang pamangkin kung saan nakatago ang kanyang baril, sagot ng pulis, iisa lang ang kanyang locker at posibleng hinanap ito hanggang sa malaman kung saan nakalagay.

Inamin rin ni Paciencia na hindi niya alam na bawal dalhin sa firing range ang isang menor de edad at nagawa niyang isama ang kanyang pamangkin ng isang beses dahil gusto umano nito na maging pulis din at iniidolo siya ng kanyang pamangkin.

Facebook Comments