
Naglaan ang Office of the President ng P278 milyong pondo para sa mga lalawigan at lungsod na matinding naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Kasunod ito ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Sarangani at General Santos City upang personal na kumustahin ang kalagayan ng mga residente at suriin ang lawak ng pinsala.
Tumanggap ng tig-P50 milyon ang Sarangani at General Santos City.
Nakakuha naman ng tig-P30 milyon ang South Cotabato at Sultan Kudarat, habang tig-P20 milyon ang Davao Occidental at bayan ng Glan sa Sarangani.
Naglaan din ng P15 milyon para sa Zamboanga City, habang tumanggap ng P3 milyon hanggang P10 milyon ang iba pang apektadong lokal na pamahalaan.
Ayon sa pangulo, gagamitin ang pondo para sa relief operations, pagpapanumbalik ng mga pangunahing serbisyo, at rehabilitasyon ng mga lugar na napinsala ng lindol.
Bukod dito, nagpalabas din ang Department of Budget and Management (DBM) ng P100 milyon para sa pagkukumpuni ng city hall ng General Santos City at tig-P50 milyon para sa Alabel at Glan para sa rehabilitasyon ng mga nasirang gusali at pasilidad.
Tiniyak ni Pangulong Marcos na magpapatuloy ang suporta ng pambansang pamahalaan hanggang sa makabangon ang mga komunidad na naapektuhan ng sakuna.










