
CAUAYAN CITY – Mabilis na rumesponde ang Repatriation Team ng Overseas Workers Welfare Administration Regional Welfare Office 2 (OWWA RWO2) upang tulungan ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na umuwi mula Oman matapos ang 18 taon ng pagtatrabaho bilang kasambahay.
Ang naturang OFW, na may iniindang karamdaman, ay sinundo mula sa Selah Pods sa Pasay at ligtas na inihatid pauwi sa kanilang tahanan sa Barangay Taguing, Baggao, Cagayan.
Sa kabuuan ng biyahe, sinigurong ligtas at maayos ang kondisyon ng OFW sa pamamagitan ng patuloy na pagmamanman ng repatriation team sa kanyang vital signs.
Maliban sa transport assistance, nagsagawa rin ng health teaching ang team upang suportahan ang paggaling ng OFW. Ipinamahagi rin ang form para sa programang Balik Pinas, Balik Hanapbuhay (BPBH) bilang bahagi ng reintegration support ng OWWA para sa mga umuuwi nating manggagawa.
Ipinapakita ng hakbanging ito ang patuloy na malasakit at dedikasyon ng OWWA sa kapakanan ng ating mga Bagong Bayani—na sa kabila ng pagod at sakripisyo, ay may uuwiang tahanan at suporta mula sa pamahalaan.