Thursday, July 2, 2026

Paggamit ng smartphones at iba pang gadgets tuwing may klase, isinusulong na ipagbawal sa mga paaralan

Muling isinusulong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng smartphones o cellphones at iba pang electronic devices sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Ang muling pagsusulong nito ay kaugnay na rin sa pagsuspinde kamakailan ng face-to-face classes sa isang public school sa Batangas dahil sa natanggap na bantang pamamaril.

Sa Senate Bill 627 o Electronic Gadget-Free Schools Act na inihain ni Gatchalian, ipagbabawal ang paggamit ng mga estudyante ng smartphones at iba pang electronic devices tuwing may klase, mula Kindergarten hanggang Senior High School.

Gayunman, may exemption naman ang panukala kung saan kapag sa mga classroom presentations, learning activities at para sa mga gamit pang-edukasyon na pinangunahan ng guro ay papayagan naman ang paggamit ng mga gadgets.

Papayagan din ang paggamit ng mobile devices at iba pang electronic gadgets para sa mga mag-aaral na may partikular na kondisyon sa kalusugan, gayundin sa panahon ng mga emergency o iba pang sitwasyong may banta o panganib.

Facebook Comments