OIL TRADING WAREHOUSE SA SANTIAGO CITY NA HINIHINALANG NAGBEBENTA NG RECYCLED NA MANTIKA, SINALAKAY NG CIDG

Cauayan City – Sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kasama ang Food and Drug Administration (FDA) North Luzon Chapter ang isang Cooking Oil Trading Warehouse sa Barangay Buenavista, Santiago City.

Sa isinagawang raid, naaresto ang tatlong suspek na umano’y sangkot sa pagbebenta at distribusyon ng recycled, hindi rehistrado, at pekeng mantika.
Kinilala ang mga suspek na sina Bonaleth, may-ari at tagapamahala ng Cooking Oil Trading; Catherine na kahera; at si John, delivery worker na naaktuhang nagbebenta, at gumagawa, ng naturang mga mantika na walang tamang label at hindi rehistrado.

Nasamsam sa operasyon ang 173 galon ng hinihinalang recycled at pekeng mantika, mga storage tank, digital weighing scale, funnel, isang closed van, at isang 10 wheeler na tanker truck.

Ayon sa ulat mula sa CIDG, umabot sa PHP 3.5 milyon ang halaga ng nakumpiskang ebidensya.

Dahil sa paglabag sa mga regulasyon ng FDA, ipinasara at tinatakan ang warehouse habang ang mga nahuling suspek ay sinampahan ng kaso sa National Prosecution Service dahil sa paglabag sa RA 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 para sa pagbebenta ng hindi rehistrado at pekeng produktong pangkalusugan; RA 7394 o Consumer Act of the Philippines para sa maling pag-label at pagbebenta ng mapanganib na produkto; at RA 10611 o Food Safety Act of 2013 para naman sa hindi pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain.

Facebook Comments