
Cauayan City – Ginawaran ng insentibo ng Provincial Government of Isabela (PGI) ang mga atletang lumahok sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) at Palarong Pambansa noong nakaraang taon.
Nagbigay ang PGI ng P3.9 milyon bilang cash incentives para sa mga atleta, coaches, at training Staff, kasama ang sako ng bigas bilang dagdag na suporta.
Ayon kay Provincial Legal Officer Atty. John Ryan P. Torio, na kumatawan kay Governor Rodito T. Albano at Vice Governor Faustino “Bojie” G. Dy III, patuloy na susuportahan ng lalawigan ang mga atletang may pangarap na magtagumpay sa larangan ng sports.
Muling nasungkit ng Schools Division of Isabela ang kampeonato sa CAVRAA 2024 matapos ang mahigit isang dekada, kung saan nakakuha sila ng 114 gintong medalya, 101 pilak, at 112 tanso habang nakapag-uwi naman ang ilang atleta ng dalawang ginto, tatlong pilak, at pitong tanso sa Palarong Pambansa 2024.
Nagpasalamat naman si Schools Division Superintendent Rachel R. Llana sa suporta ng PGI sa DepEd-Isabela at sa mga atletang nagre-representa sa lalawigan ng Isabela.