
Cauayan City – Hindi nakaligtas sa kamatayan ang isang kapitan sa lungsod ng Ilagan matapos itong pagbabarilin ng hindi pa natutukoy na mga suspek kagabi, ika-4 ng Marso.
Ang nabanggit na kapitan ay kinilalang si Avelino Quitola, 62 anyos, punong barangay sa Brgy. Cabisera 27, Ilagan City, Isabela.
Sa paunang impormasyon na nakuha ng IFM News Team, sakay ng kapitan ang isang tricycle at pauwi na sana sa kanilang tahanan nang mangyari ang pananambang.
Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ang biktima subalit sa kasamaang palad ay binawian ito ng buhay.
Samantala, kaagad namang rumespunde ang Ilagan City Police Station sa pinangyarihan ng insidente matapos matanggap ang impormasyon.
Sa kasalukuyan, puspusan na ang ginagawa nilang imbestigasyon kaugnay sa posibleng motibo sa pagpatay, at sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng salarin na tumakas matapos maisakatuparan ang karumal-dumal na krimen.