
Hindi na kailangan pang hintayin ng Office of the Ombudsman ang Commission on Audit na makumpleto ang audit bago magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga opisyal ng pamahalaan.
Ito ang binigyang-diin ng Korte Suprema kung saan maaari anilang magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Ombudsman sa kaparehong batayan at transaksyon.
Nag-ugat ito sa usapin ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo mula sa Malampaya Fund para gamitin sa iba’t ibang proyekto sa lalawigan ng Palawan.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, nakitang may pananagutan ang dating opisyal ng COA na si Ronelo Del Socorro at iba ang opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa iregularidad sa paggamit ng pondo.
Nakitaan ng Ombudsman ng pananagutan ang mga ito sa grave misconduct, serious dishonesty, at gross neglect of duty at pinagtibay pa ng Court of Appeals.
Pero umapela ang mga opisyal sa Kataas-taasang Hukuman at iginiit na premature ang imbestigasyon ng Ombudsman dahil hindi pa pinal ang audit findings ng COA.
Pinagtibay naman ng SC ang naunang findings at ipinaliwanag na may magkahiwalay na kapangyarihan ang Ombudsman at COA.
Ang tungkulin anila ng COA ay pag-audit ng pondo ng gobyerno at transaksyon habang trabaho naman ng Ombudsman ang imbestigahan ang mga posibleng anomalya ng mga opisyal.
Dahil dito, sinibak sa serbisyo ang mga naturang opisyal at habangbuhay na ring pinagbawalan na magtrabaho sa gobyerno bukod pa sa pagbawi sa kanilang retirement benefits.










